NAGING paborito ko na ang kape sa umaga. Maliit pa lamang ako, kape lang ang pwede kong timplahin sa kusina. Malimit kasi ang ina ko sa pagbili ng gatas. Dahil sa mahal daw ang gatas at dagdag gastos din lang sa pangaraw-araw na budget.
Mahirap lang kasi kami. Isang pamilya na Payak lang ang pamumuhay. Eksakto lang na makakain ng tatlong beses sa isang araw, swerte na pag may meryenda. At tamang-tama lang din ang kinikita ng aking ama. Sapat lang na maipag-aral, mabihisan, at mapakain kami at ng aking ina.
Dalawa lang kaming magkapatid. Parehong lalake, ako ang panganay.
Sa edad na 7, tumutulong na ako sa gawaing pambahay. Lalong-lalo na ang paghahanda ng agahan sa araw-araw. Maaga akong gumigising nong grade one pa lang ako. Bago ako maliligo sa batalan dala dala ang labakara at sabon, sinsaing ko muna ang bigas at inihahanda ang ulam na maging pares nito upang baunin ko. Madalas akong humahangos upang makasabay sa pagpasok ang aking Ina. Pag hindi ako nakasabay halos apat na kilometro ang lalakarin ko para makarating sa aming paaralan.
Kadalasay, naiingit ako sa mga kamagaral ko noon sa grade one. Maiingay at nagliksihang nag-uunahan sa Canteen sa tuwing tumutunog na ang bell pag Recess. Ngunit para akong isang pulubing bata na hinihantay ang mga alok nila para makapag-snack. Dinadaan ko na lang sa iyak ang inggit ko sa kanila. Ang baon ko ay sapat lang para sa pananghalian. Isang umaga, napansin akong umiiyak ng adviser ko, at binigyan nya na lang ako ng pandesal na may palamang "Maling", magmula nuon nahumaling na ako sa Maling at hanggang ngayon hindi ko pa rin nakakalimutan ang pangalan ng butihing guro na si "Mrs. Ramos".
Masaya naman ang elementary days ko. Madalas akong makatuntong ng stage sa tuwing graduation day. Hindi man ako First Honor ay pumapasok ako sa Top Ten. Hindi maiwasan mapaaway sa mga kapwa bata, madalas naipapatawag ang aking mga magulang. Consistent honor student naman ako ngunit kapag ipinatawag ang aking magulang siguradong magtutuos kami ng sinturon ng aking ama. Dumating din ang mga panahon na nalungkot ako dahil nailipat ako sa huling section at hindi na rin nabigyan ng honor.
Pinakamasarap ang kape para sa akin. At naging espesyal na inumin din ito para sa akin. Ito na rin ang naging dahilan kung bakit hindi ako mahilig sa gatas. Nasusuka ako dito. Karamay ko ang kape sa tuwing malungkot ako. Sa tuwing nagugutum at walang makakain. At lalong-lalo na sa tuwing may problema ako. Naging close friend ko ang kape. Napaka-loyal ako dito. Agahan, tanghalian, at hapunan, siya ang palagi kong kausap at kasama. Para na rin kaming magkakapatid. Medyo maitim kasi ako. Hindi ko man lang sya maiwan-iwan. Hanggang pa rin sa ngayon, parating may laman ang garapon ko ng kape. Dahil sa anumang oras, andyan siya para sa akin. Hindi sya nang-iiwan at handa siyang dumamay sa akin.
Subukan nyong tikman at mahalin ang kape. Sigurado akong magiging masaya, malakas, at puno ng purong pagmamahal ang buhay mo.
Jutskie