Miyerkules, Oktubre 30, 2013
HYDRA
Pasado alas-nuwebe na nang marating niya ang Guadalupe. Habang papasok ng Taguig, Napatango siya dahil tama ang kanyang hinala, buhay na buhay ang lugar sa gabi katulad ng ibang dinevelop na lugar sa Maynila.
Nagpatuloy siya sa paglalakad papasok ng Mckinley. Naaaninag niya ang isang lugar kung saan may mga grupo ng tao na naninigarilyo, Pumaroon siya at humugot ng isang piraso ng gusot na sigarilyo mula sa kanyang bulsa at nagsindi.
Pinagmasdan niya ang kanyang kapaligiran. Paroo’t parito ang mga tao, halos lahat ay nagmamadali, may kani-kaniyang patutunguhan, ni hindi tumitingin sa mga nakakasalubong o nakakasabay. Karamihan ng establiyimento ay kainan. May kani-kaniyang pakulo tulad ng malakas na tugtugin, banyagang pangalan, at kakaibang putahe.
Tumingin siya sa kaniyang relo, tila hindi nagustuhan ang nakita, medyo nagkunot ang kaniyang kilay. Kinuha ang kapiraso ng tiniklop papel na nakalagay sa bulsa ng kaniyang polo shirt at nagpatuloy na maglakad.
May nakita siyang guwardiya, nakatayo sa di-kalayuan. Kaagad niya itong nilapitan.
“Boss, pwedeng magtanong?” ang sabi niya. “Saan ho yung IPC Building?”
Tiningnan siya ng guwardiya. “IPC?” ang tanong, "Ayan sa tapat, tutuklawin ka na."
“Ahh ganun ba salamat ser. Hindi ko kasi kabisado dito eh.”
Nagkibit-balikat ang guwardiya. Tumalikod at pabulong na nagsabing, “Tatanga-tanga.” Nasaktan siya sa huling tinuran ng guwardiya. Ngunit hindi na niya ito inalintana. Ayaw niyang masira ang kaniyang gabi espesyal ito para sa kanya.
Tumalikod siya at itinuon ang mga mata sa gusaling kulay abo. Muli siyang sumulyap sa kanyang relo, mag-a-alas diyes na. Mabilis siyang naglakad patungo sa gusali.
Sa loob ng gusali, binuksan niya ang kaniyang bag upang ipakita sa guwardiyang naka barong na may hawak na pamatmat. Habang abala sa paghahanap ng kahinahinalang bagay sa loob ng bag, "San kayo sir?" sambit nito. "Jan lang ako kuya, unang araw ko ngayon dito para magtrabaho." "Ganun ba sir? tumuloy na lang ho kayo sa resepsyon upang mabigyan ng pansamantalang passes sa gusali. Goodluck!" sabi nito na may ngiti sa mga labi.
Habang nasa resepsyon, napag isip siya. Sana lahat ng guwardiya katulad niya. Tumungo siya sa elebeytor pinindot ang numero ng palapag na kanyang patutunguhan at napasandal sa barandilya. Ngayun nya lang napansin na hinihingal siya, marahil dahil sa pagmamadali at haba ng biyahe, ngayon nya lang naramdaman ang pagod.
Agad agad siyang bumaba pag hinto ng elebeytor sa palapag na kaniyang pinindot. Pangkaraniwang pasilyo ang tumambad, may lima pang pintuan ng elebeytor at dalawang malaking pintuang salamin sa magkabilang dulo. SUmilip siya sa kanang pinto, naaninag niya ang mangilan-ngilang locker ngunit walang tao. Lumipat siya sa kabila, may mga sofa na tila isa ring resepsyon ngunit walang tao.
Hinugot niya ang kaniyang cellphone na kulay puti at nag text. Makalipas ang ilang minuto isang lalaki na naka jacket na dilaw ang nagbukas ng pinto, at nagtanong "Ikaw ba si?" "Yes that is me." tugon niya. "The team is waiting for you follow me." Tumango siya at pumasok habang hawak ng lalaki ang pintong salamin.
Doo’y saglit na bumagal ang kanyang mga lakad. Na-attract siya ng mga tiyubibo at ng kakaibang atmosphere. Nagmasid-masid siya sandali at nagsisimula nang malibang sa mala kremang kulay ng pader, mga poster na nakadikit, at higit sa lahat ang anim na talampakang coffee dispenser.
Huminto sila sa tapat ng isang kahoy na pinto na dalawa ang bukasan. Tumambad ang isang malaking kahoy na antigong mesa. "Nara." Nasambit niya. Inilibot niya ang mata sa loob may apat na taong mukhang importante manamit na nakaupo, may projector at pizza sa gitna ng mesa, at ang tanawin sa bintana ay ang sementeryo ng mga bayani.
Tumayo ang isang lalaking naka amerikana. Tinignan siya at nakipagkamay. "Welcome to team Hydra." Sambit nito.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento