Huwebes, Pebrero 25, 2016

Tatlong Dekada ng People's Power



Tatlong dekada mula nuong EDSA Revoulution. Holiday, walang pasok pero malas mo kung sa BPO ka kumukuwa ng pang araw araw mo kasi malamang may pasok kayo. 1982 ako ipinanganak, halos apat na taon ako nuong maganap ang rebolusyon. Sa aking murang isipan, may mga pangyayari pa rin akong nasasariwa. Dahil malapit lang ang aming tahanan  sa Malakanyang, isinama ako ng aking ama sa kanyang bike upang mapanood ang mga nagmamartya papuntang Mendiola matapos ipasinaya ni Marcos sa Malakanyang na siya pa rin ang pangulo. Napakaraming tao, umaalingawngaw ang sigaw na Marcos! Marcos! Marcos pa rin! namay mga lumilipad pang eroplano na kung tawagin namin ay Tora-tora. Ilang sandali pa, umuwi na kame marahil sa pangamba ng aking ama makita ang girian ng mga nakaunipormeng sundalo at mga rallyista.

Hindi ko naiintindihan kung ano ang nangyayari, natatandaan ko madalas ipalabas sa de pihit na telebisyon ng aming kapitbahay ang madalas na alitan ng mga naka T-shirt na Marcos-Tolentino at Ninoy-Cory. Hindi ko maintindihan kung ano ang trip ng mga tao, bakit sila nasa kalsada, andami nila. Pangkaraniwang tao, artista, singer, pulitiko, negosyante, at iba pa. Hindi ko rin maintindihan dahil pagdating ng hapon naglabasan halos lahat ng tao sa aming eskinita, tuwang tuwa nagtatalunan at humihiyaw ng Cory! Cory! habang ang kanilang mga daliri ay naka korteng C. (Hintuturo at hinlalaki lang ang nakaangat na daliri.)

1996 Isang dekada mula noong EDSA Revolution. Unang taon ko sa mataas na paaralan. Medyo may isip na ako at isa sa mga asignaturang aking kinahiligan ang Kasaysayan. Inungkat ko ang mga libro at maraming nakatatandang tinanong patungkol sa kanilang karanasan nuong Martial Law. Halo halo ang aking narinig, may mga nagsabing:

  • Mahusay na pangulo si Marcos, yung mga krimen na binabato sa kanya ay gawa ng kanyang mga Cronies!
  • Yang long hair mo? Di yan uubra nuong Martial law, maswerte ka kid!
  • May mga tao daw na nawala, utos daw ni Marcos yun pero wala naman ebidensya. Kung ebidensya tignan mo mga pinagawa ni Marcos. Ikaw magdessyon kung anong klase ng pangulo sya.
  • Grabe yan si Marcos! Lalo na yung si Ver? Yung kanang kamay nya? Brutal yun eh.

Hindi ko na isusulat lahat dahil medyo marami sila. Bottomline, naisip ko na maaari na nagsawa lang ang mga tao sa pamamalakad ni Marcos. Dahil duon gusto nilang makalaya. Hindi ko alam kung makalaya kay Marcos, makalaya sa kasalukuyang sitwasyon, o kalayaan na gawin nila ang gusto nila. Suntok sa buwan ang gusto nilang mangyari. Paano kayo nakakasiguro na hindi katulad, mas masahol, o mas mabuti ang papalit sa kanya kung sakali? Gayunpaman, sumugal ang mga mamamayan nais talaga nila ang pagbabago.  Maraming mamamayan ang nagbayad ng dugo para sa kalayaang ito. 

Mabalik tayo sa ngayon, tatlong dekada matapos ang EDSA revolution. Nagkaroon na ng Edsa II at III.  Pakiramdam mo ba malaya ka? Bago ka sumagot ano ba para sa iyo ang depinisyon ng kalayaan? Binabasa mo ba ito ng walang censorship?  Kung masundan pa itong blog ko malamang malaya ako dahil kung hindi eh bka nasa missing person list na ako. May Facebook, o Twitter ka? Namumura o nalilibak mo ba ang gobyerno na wlang dumudukot sa iyo? Napapanood at naririnig mo ba ang mga gusto mong palabas at tugtugin ng walang pangamba? Nakaka gimmick o gala ka ba na lampas alas dose ng gabi?
Mabalik ulit tayo sa ngayon, tatlong dekada matapos ang EDSA revolution. Nagkaroon na ng Edsa II at III. Pakiramdam mo ba may pagbabago? Bago ka ulit sumagot ano ba para sa iyo ang pagbabago? Yung Trinoma dati rati bakanteng lote iyon na tadtad ng movie posters. Madami ng channel sa TV ngayon. Wala na ang telegrama ngayon. May building na sa background ni Rizal sa Luneta ngayon. Uso pa din ang palakasan, kakilala, kumpare, sa pagbibigay ng pabor. So ayun, ano naman ang mga hindi nagbago? May mga trapo pa rin sa pulitika, mga kaso ng taong bigla na lang nawawala, madami pa din skwater, kakulangan ng hustisya, salat sa edukasyon, at iba pa.

Opinyon:

Hindi ko maintindihan kung bakit idinidikit sa mga Aquino ang Edsa Revolution. Ito ay rebolusyon upang maihayag ang boses, saloobin, at nais ng mamamayan. Ang mamamayan dapat ang bida dito di ba? Hindi purket ayaw ko sa pulitiko mo (Marcos, Aquino, atbp.) ay may karapatan kang kutyain ang opinyon ko, marami ang nagsakripisyo ng buhay, dugo, kalayaan, at pawis para maihayag ko ang sarili kong opinyon.

Ang masasabi ko lang, bakit hindi tayo matuto sa nakaraan? Oo marahil hindi kaaya-aya ng sitwasyon natin ngayon ngunit kailangan ba tayong maging desperado na magluklok ng isang tao na hindi inaako na may pagkakamaling nagawa nuong nakaraan? Bukod duon, nakakalungkot isipin ang bukambibig ng ilang kabataan na tinutuligsa ang People's Power, nakakalungkot na nakakatawa dahil ito ang dahilan kung bakit sila nakapaghahayag ng opinyon nila ngayon. Pakiusap, wag nating tapakan, dungisan at kalimutan ang mga taong nagbuwis ng buhay para sa ating kalayaan dahil hinahanap natin ang karangyaan kuno ng nakalipas na ang kapalit ay nakagapos na kalayaan.




















Walang komento:

Mag-post ng isang Komento